-- Advertisements --

Iginiit ng Russian envoy to the Philippines na dapat igalang ng gobyerno ng Pilipinas ang $38 million Mi-17 military helicopter contract na nauna ng kinansela dahil sa pangamba na pagpataw ng sanctions ng Amerika.

Ikinalungkot ni Ambassador Marat Pavlov ang ulat sa naging desisyon ng gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration na na-terminate o hindi na itinuloy ang kontrata sa pagbili ng 16 na military helicopters at inihayag pa na hindi nakatanggap ng pormal na notice of cancellation.

Ayon sa Russian envoy, handa silang tupdin ang lahat ng kanilang obligasyon bilang reliable partner ng Pilipinas pagdating sa larangan ng technical military cooperation at umaasa na ito ay gagawin din ng Pilipinas.

Saad pa ng envoy na patuloy sa paggawa ang Russian contractor ng 16 na helicopters at nakumpleto na rin ng mga pilotong Pinoy ang kanilang pagsasanay para i-operate ang naturang military aircraft.

Ayon pa kay Pavlov ang nai-deliver na sa bansa ang isang fully assembled helicopter noong Hunyo subalit hindi ito tinanggap ng gobyerno ng Pilipinas.

Ipinunto din nito na isang mahalagang isyu ito sa bilateral relations ng Pilipinas at Russia.

Kaya naman hanggang sa ngayon ayon sa Russian envoy itinuturing pa rin na valid ang kontrata at patuloy nilang tutupdin ang lahat ng kanilang obligasyon.