Ilang evacuation centers sa Camarines Sur ang binisita ni Vice President Leni Robredo para sa unang araw ng kanyang inspeksyon sa mga lugar na tinamaan ng Super Typhoon Rolly sa Bicol region.
Nitong Lunes nang dumating sa kanyang hometown si Robredo bitbit ang relief items na ipinamahagi ng kanyang tanggapan sa mga naapektuhang residente.
Unang nagtungo ang bise presidente sa Barangay Sabang sa bayan ng Calabanga.
“Ayon sa barangay officials, bumigay ang bubong at kisame ng ilang classrooms dito nang nanalasa ang bagyo, habang may mga evacuees sa loob nito,” ayon online post ng pangalawang pangulo.
“Dinalaw rin ni VP Leni ang malapit na mga kabahayan na nasa coastline. Matindi ang pinsalang tinamo ng mga bahay dito, kung saan marami ang totally damaged.”
Sunod na pinuntahan ni Robredo ang Barangay La Purisima sa bayan ng Pili, kung saan namahagi ito ng relief assistance sa apektadong komunidad.
Ayon sa Office of the Vice President, biyaheng Catanduanes naman ang bise presidente ngayong Martes ng umaga.
Pagdating ng tanghali, mag-iikot din si Robredo sa Tabaco City, Albay. Partikular na sa Tabaco North Central Elementary School at Barangay Tayhi na isang coastal area.
Pupuntahan din daw ni VP ang mga bayan ng Guinobatan, San Francisco, Talaveria, at Tiwi sa Albay.
Batay sa report ng Office of Civil Defense nitong Lunes, nasa 16 na ang bilang ng kumpirmadong nasawi mula sa dalawang lalawigan. Sa bayan ng Bato, Catanduanes unang nag-landfall si Rolly noong alas-4:50 ng Linggo ng umaga.