Sinampahan na ng kaso ng pulisya ang British singer na si Rod Stewart matapos umano nitong suntukin ang security guard sa isang hotel sa Florida.

Batay sa police report, nangyari ang gusot makaraang mabigo si Stewart at ang kanyang mga kasama, maging ang anak nitong si Sean, na makapunta sa isang pribadong event nitong bisperas ng Bagong Taon sa Breakers Palm Beach Hotel.

Tinulak umano ni Sean ang security guard at sinuntok daw ni Rod ang dibdib ng biktima.

Kapwa kinasuhan ang mag-amang Stewart ng “simple battery.”

Sa panig naman ng guard na kinilalang si Jessie Dixon, nakita niya raw ang isang grupo malapit sa check-in table ng isang private event, na sinusubukan daw pumasok nang walang pahintulot.

Ayon kay Dixon, nang kanyang lapitan ang grupo ay nagsimula na raw itong mag-ingay at gumawa ng eksena.

Humingi na rin ng paumanhin ang 73-year-old singer sa kanyang naging papel sa insidente.

Nakatakda namang humarap ang mag-ama sa Palm Beach County Criminal Justice Complex sa Pebrero. (BBC)