Nanguna si James Harden sa kanyang halos triple double performance upang itala ng Houston Rockets ang ika-anim na sunod na panalo kung saan ibinilang nila sa kanilang biktima ang Indiana Pacers, 118-97.

Tinapos ni Harden ang laro sa 29 points, 10 assists at eight rebounds upang ipalasap sa Pacers ang ika-10 pagkatalo mula sa 22 games.

Sumandal ang Rockets sa 16-4 run habang apat na minuto na lamang ang natitira sa fourth quarter.

Kabilang sa malaking tulong din sa panalo ng Rockets ay sina Clint Capella na may 22 points at si Chris Paul na nagdagdag ng 13 points.

Ito na ang ika-12 panalo ng Houston (17-4) ngayong buwan ng Nobyembre na may tanging isang talo sa kamay ng Raptors.

Sunod na haharapin ng Rockets ay Lakers sa Lunes.