HOUSTON – Kinasuhan ng assault ang isang fan ng Houston Rockets matapos daw nitong suntukin ang isang coach ng New Orleans Pelicans sa pagtatapos ng laban sa pagitan ng dalawang koponan.

Sinampahan ng kasong misdemeanor assault ng mga prosecutors si Manuel Garcia nang upakan nito si Pelicans assistant coach Joe Boylan noong Linggo (Manila time).

Inaresto rin ang kanyang nobya dahil sa umano’y pagpigil sa mga pulis na madakip si Garcia.

Ayon kay Harris County District Attorney’s Office prosecutor Nathan Beedle, hindi man nila alam ang motibo pero pananagutin nila ang dalawa sa kanilang mga ikinilos.

Nangyari ang insidente makaraang dakpin ang isang Astros fan nang sampalin nito ang isang Yankees fan sa kalagitnaan ng American League Championship Series ngayong buwan sa Houston.