-- Advertisements --

Pinayuhan ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na huwag masyadong maging sensitibo sa mga naririnig na kritiko, lalo na’t nasa gitna ng krisis ng COVID-19 ang bansa.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos sabihin kamakailan ni Presidential spokesperson Harry Roque na tila pagkakamali lang ang nakita ni Robredo sa ginagawang hakbang ng gobyerno sa pandemya.

“Sana huwag masyadong balat-sibuyas,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio show.

“Panahon ito ng krisis. Hindi ito ordinaryong panahon e. Panahon ito ng krisis na wala tayong espasyo sa pagkakamali kasi bawat pagkakamali ay buhay ang nakataya,” dagdag pa nito.

Binigyang diin ni Robredo sa panahon ngayon, mas napapansin ng tao ang mga maling nagagawa o pagkukulang, kumpara sa mga mas kapansin-pansin na mabubuting gawain.

“Totoo na tinitignan ko ‘yung baso na half-empty at ‘yung opisina namin sinusubukang punuin ‘yun. Kasi sa panahon ng krisis hindi natin maa-afford na hindi punuin ‘yung ating mga baso.”

Kung maaalala sinagot ni Roque si Robredo nang sabihin nitong panahon na para suriin ng gobyerno ang mga nagawang hakbang, dahil tila “in denial” ang administrasyon sa mga pagkukulang nito.

Kaya naman mungkahi ng bise presidente, dapat matutunan ng mga pamahalaan na makinig sa kritisismo at tanggapan ang kung ano mang pagkukulang sa COVID-19 response.

“Hindi ito panahon ng pulitika…Ngayon lang ako bumoboses. Mula March hanggang ngayon, nagtatrabaho lang kami pero mali naman na hindi ako magsalita kung nakikita akong mali,” ani VP Leni.