Umapela si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na gamitin ang mga datos ng COVID-19 bilang gabay sa mas epektibong matugunan ang mga epekto ng pandemya sa bansa.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo sa gitna ng palitan nila ng mga banat ng Malacañang kaugnay ng COVID-19 response.

“Mayroon kasing available data na pwede nating gamitin. So iyong sa akin lang, para mas strategic din iyong mga efforts, dapat siyang maging goal-oriented, dapat maging metrics-heavy iyong ating mga ginagawa,” ani Robredo sa isang panayam nitong Biyernes.

“Tignan iyong datos, saan tayo kulang, ano iyong targets natin sabihin natin for September, ano iyong targets natin for October, para alam natin kung saan tayo papunta and nagkakaroon tayo ng periodic assessment kung palayo ba tayo o palapit ba tayo doon sa ating metrics.”

Kamakailan nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na bakuna lang ang solusyon para matuldukan ang pandemic crisis.

Pero giit ni VP Leni may mga hakbang na pwedeng gawin ang estado para kahit papaano ay ma-kontrol ang pagkalat ng sakit.

Makikita umano ito sa resulta ng pag-aaral sa The Lancet, isang kilalang research journal, kung saan nag-rank 66 ang Pilipinas sa mga bansang rumeresponde sa pandemya.

“Pinapakita ng datos na mayroong 19 countries who have successfully suppressed the epidemic. So iyong sa akin, pare-pareho naman tayo e—pare-parehong wala pang lunas, pare-parehong wala pang vaccine. So para sa akin it would be helpful… it would be helpful to look into, ano ba iyong mga ginawa nitong 19 countries na ito for them to have successfully suppress? “

SOCIAL AMELIORATION PROGRAM (SAP) DISTRIBUTION

Bukod sa kabuuang responde laban sa COVID-19, binigyang diin din ng bise presidente ang kahalagahan ng datos sa hindi pa rin tapos na distribusyon ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay Robredo, kulang ng “socio-economic” profile ang pamahalaan kaya hanggang ngayon ay hirap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng financial assistance.

“Kasi nung 2015, nagkaroon tayo ng programa sa DSWD, ang pangalan nito National Household Targeting System. Itong survey na ‘to, ito dapat iyong magbubuo ng ating socio-economic profile. Gustong sabihin na ito iyong magiging basehan, ito iyong magiging basehan para matunton natin kung sino iyong mga mahihirap, kung sino iyong mga nangangailangan ng tulong, etc. Pero mukhang hindi natin iyon ginamit ngayon Hindi natin ginamit ngayon.”

Giit ng pangalawang pangulo, malaking bagay ang naturang datos para matiyak kung sino ang mga dapat na nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Ilang buwan kasi matapos ilabas ang unang tranche ng SAP, maraming reklamo ang lumutang laban sa mga local officials na binubulsa umano ang pondo ng programa. May ilan din na hindi raw nakatanggap kahit nasa ikalawang tranche na ngayon ang distribusyon.

“Parang iyong listahan, ang daming discretion sa nagbibigay dahil hindi handa iyong lista. Parang nung una naglabas sila ng lista, nagkaron ng kaguluhan, binawi, hanggang naging discretionary. So iyong sa akin lang, nagwo-wonder lang ako, kasi ang alam ko, mayroon tayong Listahanan.”

Ayon kay DSWD Sec. Rolando Bautista, aabot sa higit 400,000 reklamo kaugnay ng SAP na ang kanilang natanggap.

As of September 24, nasa P8.31-billion pondo sa ilalim ng SAP 2 na ang napamigay ng Social Welfare department sa halos 14-million beneficiaries.