Hindi ikinatuwa ni Vice President Leni Robredo ang tila hindi patas na pagtrato ng mga opisyal sa detained activist na si Reina Mae Nasino, na kamakailan ay namatayan ng anak.
Kinuwestyon ng pangalawang pangulo ang mahigpit na panuntunan sa furlough na binigay ng korte sa naulilang ina.
“Parang masyadong overkill. Nakita natin iyong mga litrato, nakita natin iyong footages, hindi natin alam kung bakit ganoon… ‘di ba? Ganoon kagrabe iyong response. Eh iyong nanay nag-iisa, gustong makita iyong anak niyang namatay,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.
Ayon kay Robredo, hindi makatao ang naging responde ng mga opisyal sa dalawang araw na paglabas ni Nasino sa kulungan para bisitahin ang lamay at libing ng atlong buwang anak na si baby River.
Magugunitang iniklian sa dalawang araw ang dapat sana’y tatlong araw na furlough ni Nasino. Iginiit kasi ng Manila City Jail officials na kulang sa kawani na magbabantay sa seguridad ng aktibista.
Pero sa mismong araw ng libing naman, higit sa isang dosena ang bilang ng mga pulis at jail officers ang nagbantay sa detainee. Napabalita ring pinaharurot ang karo na may dala sa labi ng sanggol, at tila minadali ang seremonya ng paghahatid sa huling hantungan.
“Nasaan iyong humanity natin doon, Ka Ely, ‘di ba? Sa akin, mga nanay din tayo, mga magulang din tayo. Dapat naiintindihan natin iyong, ‘di ba, iyong complexity ng relasyon. Alam mo, Ka Ely, iyon iyong hindi ko talaga maintindihan, kasi parang nawawala na iyong humanity sa atin. Parang totally unnecessary iyong klase ng response na binigay natin.”
Nobyembre noong nakaraang taon nang arestuhin si Nasino at iba pang aktibista matapos i-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malawakang crackdown sa mga Makakaliwang grupo.
Sinasabing nakuhanan ng armas tulad ng granada ang inaakusahan, pero giit ng kanyang kampo, tinaniman sila ng ebidensya ng pulisya.
Ayon kay Robredo, dapat maging patas ang pagbibigay ng pribilehiyo sa mga nakapiit na personalidad lalo na sa mga ganitong pagkakataon.
“Ang daming personalities na kahit may conviction na, hindi nakukulong. Hindi naman natin sinasabing huwag ikulong, kasi kung mayroong kaso, eh ‘di sumunod sa proseso. Pero ito namatayan ng anak. Namatayan ng anak, at ito, nakakalungkot pa iyong circumstances noong pagkamatay, kasi hindi siya napagbigyan na magkaroon ng pagkakataon na alagaan niya iyong sanggol na iniluwal niya.”
“Tapos namatay na nga pero hindi pa— Parang nasaan iyong compassion, nasaan iyong humanity? Iyon iyong hindi natin maintindihan.”










