-- Advertisements --

Umapela si Vice President Leni Robredo na bilisan na rin ng pamahalaan ang responde kaugnay ng pagbangon ng Marawi City.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo kasabay nang paggunita sa paglaya ng siyudad mula sa kamay ng ISIS-terrorists na nagtangkang sumakop noong 2017.

“Iyong isang banda, parang iyong mga puso natin, parang naggo-go out sa mga taga-Marawi mismo, na marami din iyong sinakripisyo dahil sa laban na ito.”

“Na hanggang ngayon, three years after, marami pa din iyong nakatira sa mga evacuation centers, marami pa din iyong nakatira sa temporary shelters. Kasama nito iyong pakiusap na sana mabilis-bilisan, kasi lalong tumatagal sila sa mga evacuation centers, iyong injustice lalong humahaba.”

Pinasalamatan ni Robredo ang mga sundalo at iba pang pwersa na nag-sakripisyo at nakipaglaban sa mga terorista, pati na sa local government units na naging katuwang ng pamahalaan.

Nagpaalala naman ang bise presidente laban sa violent extremism na dapat na rin umanong matuldukan para hindi na muling mabuhay ang banta ng takot at pananakot.

Ito ay sa pamamagitan daw ng maayos na negosasyon at hindi pagbubuwis ng buhay sa pamamagitan ng giyera.

“Parati namang may mga sundalo tayong nakakausap, mga opisyal. At natutuwa ako sa kanilang pagtingin na iyong violent extremism, hindi siya nare-resolve sa paggamit lamang ng armas, pero nare-resolve siya sa pag-empower, pag-educate ng mga tao.”

“Mahalaga iyon sa akin, kasi gustong sabihin malalim iyong pagtingin. Nag-courtesy call ako kay Gen. Sobejana, iyong ating CGPA, at isa iyon sa punto ng discussions namin: na iyong pagsugpo talaga ng violent extremism, mas malalim kaysa sa giyera. Iyong pagsugpo ng violent extremism, malaking bagay iyong governance. Malaking bagay iyong education ng mga tao.”

Noong Setyembre nangako si Sec. Eduardo del Rosario ng Department of Human Settlements and Urban Development na tatapusin ng kanyang tanggapan ang rehabilitasyon at reconstruction ng Marawi City bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.

“I reiterate that we will finish the rehabilitation of public infrastructures within the term of President Rodrigo Roa Duterte. This is in compliance with the specific instruction of the President who said ‘I will see to it that Marawi will rise as a prosperous city again,” ani Del Rosario.