Pinasisiguro ni Vice Pres. Leni Robredo sa gobyerno na hindi mako-kompromiso ang pag-aari at soberanya ng Pilipinas bago simulan ang nilagdaang joint exploration ng estado at China sa West Philippine Sea.

Ito ang hamon ng bise presidente matapos magkasundo ang dalawang bansa noong Agosto na bumuo ng mga grupong magsasaliksik sa natural at oil resources na matatagpuan sa teritoryong pag-aari ng Pilipinas.

Kung si Robredo raw kasi ang tatanungin, dapat ay hindi muna pumasok sa kasunduan ang bansa hangga’t hindi kinikilala ng China ang eksklusibong ownership ng Pilipinas sa teritoryo.

Pinahihintulutan naman umano ng Saligang Batas ang joint exploration basta’t hindi malulugi ang estado rito.

Magugunita na ilang beses nang inihayag ng China ang hindi pagkilala sa 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration ng United Nations kung saan idineklara ang naturang teritoryo bilang eksklusibong pag-aari ng Pilipinas.