Reading Time: 2 minutes
Pacquiao and buboy 1
Pacquiao with bosom buddy Buboy (photo from Mike Quidilla)

Malaki ang paniniwala ni Sen. Manny Pacquiao na ang kanyang right hook ang siyang magpapadungis sa record ng walang talong si Keith Thurman sa kanilang bakbakan mamaya.

Sinabi ni Pacquiao na maaari umanong maging maluwag ang depensa ni Thurman sa kalagitnaan ng pagbitaw ng kombinasyon.

Magiging pangunahing factor din umano sa kanyang execution ang timing, gaya ng ginawa nito upang patulugin si Ricky Hatton noong 2009.

Ayon pa kay Pacquiao, hindi raw magkasingbilis ang kamay at paa ni Thurman kaya mabagal daw ito magpakawala ng mga suntok.

Sa panig naman ni head trainer Buboy Fernandez, timing lamang daw ang susi sa kapwa depensa at opensa ni Pacquiao.

Hindi rin umano nababahala si strength and conditioning coach Justin Fortune sa istilo ni Thurman, na pilit daw ginagaya ang style ni Sugar Ray Leonard.

Nang makapanayam ng Bombo Radyo si Fortune, sinabi nito na ang magiging pangunahing sandata ni Pacquiao kay Thurman ang kanyang body shots.

“Whenever the time Manny hits you, it hurts you because he can punch with both hands. [Pacquiao’s] very fast so sad to say he hasn’t [only] got one weapon, he’s got whole bunch of weapons,” wika ni Fortune.

Precilyn Silvestre Melo Pacquiao 4
Photo for Bombo Radyo by Precilyn Silvestre-Melo (USA correspondent)