Welcome kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang kabuuang isang milyong pisong reward na alok ng Citizen’s Crime watch para sa agarang pag-aresto sa apat na dating mambabatas na nahaharap sa kasong double murder.

Nilinaw ni PNP chief na ang pabuya ay hindi para mahuli ang mga ito ng “dead or alive” kundi reward para sa impormasyon na magreresulta sa pag-aresto sa mga ito.

Sinabi ni Albayalde na inaasahan niya mahuhuli ng buhay ang mga ito dahil wala namang history ng violence ang mga ito at hindi inaasahang manlaban.

Una nang inihayag ni Atty. Ferdinand Topacio, national legal adviser ng Citizen’s Crime watch na, tig-P250,000 ang pabuyang inaalok nila para kina Anti-Poverty commission head Liza Maza, dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano at mga dating kinatawan ng Bayan Muna na sina Satur Ocampo at Teddy Casiño na pawang mga wanted for murder.

Ayon sa PNP chief, bagamat hindi kasama ang pabuya sa regular na reward ng pamahalaan, umaasa siya na makakahikayat ito sa mga informants na magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng apat.

Sinabi naman ni Albayalde na walang indikasyon na lumabas ng bansa ang apat.