Reading Time: 1 minute

Nakatakda na umanong isumite ng oversight committee na nag-review sa good conduct time allowance (GCTA) Law ang resulta ng kanilang isinagawang review patungkol sa naturang batas.

Ayon kay Justice Usec. Deo Marco, ngayong araw na nila isusumite kay Justice Secretary Menardo Guevarra at Interior Secretary Eduardo Año ang resulta ng review sa implementing rules and regulations (IRR) ng GCTA Law para mapirmahan.

Gayunman, tumanggi muna si Marco na ilabas ang nilalaman ng report pero nilinaw nitong kapag naisumite na ang report ay posibleng rebisahin naman ito nina Guevarra at Año.

Kasunod nito ay isasapubliko o ipa-publish naman sa mga pahayagan bago ipatupad ang ni-review o binalangkas na bagong IRR ng GCTA Law.

Una rito ay naglabas ng joint department order ang DoJ at ang DILG para bumuo ng joint committee na magre-review sa IRR ng R.A. 10592 o GCTA Law na nagpapaigsi sa sintensiya ng mga Person Deprived of Liberty (PDL).

Nakasaad din sa dalawang pahinang joint order na pirmado nina Guevarra at Año na pag-aralan din ang polisiya at guidelines sa computation ng credit allowance ng mga inmates sa ilalim ng GCTA law.

Ang binuong committee ay pinamunuan nina DoJ Undersecretary Deo Marco, Assistant Secretaries Neal Bainto at George Ortha II.

Miyembro naman ang Bureau of Corrections (BuCor) Director General at iba pang mga opisyal ng DoJ, DILG, Board of Pardons and Parole at Parole and Probation Administration.