Iginiit ng Malacañang na bigo si Rappler CEO Maria Ressa na magharap ng ebidensya para kontrahin ang cyber libel charges na isinampa ng nagreklamong negosyante kaya siya hinatulang guilty ng Manila court.

Una ng hinatulan ng Manila Regional Trial Court Branch 46 si Ressa at dating Rappler researcher na si Reynaldo Santos Jr. na guilty sa cyber libel at sinentensyahang makulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, batay sa ruling ni Judge Rainelda Estacio-Montesa, hindi nagsumite ng counter-evidence si Ressa sa kasong isinampa ni Wilfredo Keng kaugnay sa artikulong inilabas ng Rappler na nag-uugnay sa kanya sa criminal activities at sumira sa kanyang reputasyon.

Ayon kay Sec. Roque, talagang conviction ang mangyayari sa kaso ni Ressa dahil walang ipinakitang basehan o patunay na walang malisya sa kanilang istorya.

Muli ding iginiit ni Sec. Roque na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ni Ressa at sa desisyon ng korte.

“Paano namang hindi mako-convict si Maria Ressa, hindi naman sila nag-introduce ng evidence na wala silang malice. Ni hindi sila nag-introduce ng evidence na vinerify nila iyong kanilang nire-report na kriminal ang isang pribadong indibidwal bago nila ipinublish, walang ganoong ebidensiyang prinisenta,” ani Sec. Roque.