CENTRAL MINDANAO- Nababahala ngayon si Maguindanao 2nd District Congressman Esmael “Toto” Mangudadatu sa mga nangyayaring pamamaril na ang mga biktima ay pawang mga opisyal at kawani ng pamahalaan sa mga bayan sa probinsya.

Sinabi ni Mangudadatu na dapat na tutukan ng mga otoridad ang mga kaso ng pamamaril sa mga biktima na pawang mga kaalyado nya.

Matatandaan na pinagbabaril patay ang dating brgy chairman at mayoralty candidate ng Shariff Saydona Mustapha na si Abdulbasit Macmod Taguigaya sa Cotabato City at sa mag-asawang sina Engr Jeric Kuit at Jocie Kuit na Municipal Treasurer ng Ampatuan Maguindanao na tinambangan sa Brgy Bagan sa bayan ng Guindulungan.

Ang mag-asawang Kuit ay mga dating campaign leader ni Mangudadatu habang si Taguigaya ay kandidatu nyang alkalde sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.

Kinomperma ng kongresista na kasama sana nya si Taguigaya sa promulgasyon ng Ampatuan Massacre at katunayan ay na-ibili nya na ito ng plane-ticket papuntang Maynila.

Dagdag ng opisyal na karamihan umano sa mga kaalyado nya ang naging biktima na rin nang paghaharas at marami sa mga ito ay nakatatanggap din ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Maguindanao PNP sa pamumuno ni Colonel Arnold Santiago sa pananambang sa mag-asawang Kuit.