-- Advertisements --

sandro

Walang nakikitang mali si economist-congressman Joey Salceda sa naging pahayag ni Ilocos Norte 1st district Rep. Sandro Marcos na sinabi nitong nananatiling matatag ang piso sa kabila ng mababang halaga kontra dolyar.

Sinabi ni Salceda wala siyang nakikitang major issue sa naging pahayag ng nakakabatang Marcos.

Ginawa ni Marcos ang kaniyang komento kasunod pagsadsad ng piso na umabot sa P59 kontra isang dolyar.

Ayon kay Salceda malakas naman talaga ang Piso laban sa iba pang major global currencies gaya ng Euro, Yen at Pound.

Sa naging pahayag ni Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Representative Marcos na hindi mahina ang Philippine peso bagkus sadya lamang lumalakas ang halaga ng dolyar dahil sa mas marami ang bumibili nito lalo na sa gitna ng krisis na kinaharap tulad ng COVID-19 pandemic at ang Russia-Ukraine crisis.

Sinabi ni Marcos na sa mga nangyayari ngayon ay maaari naman aniyang ibenta ng Pilipinas ang ating dollar reserve upang bahagyang maibsan ang nararanasang krisis sa ekonomiya subalit hindi ito gaano kalaki ang epekto dahil mas maliit ang ating dollar reserve kumpara sa ibang bansa.

Aminado si Rep. Marcos na dahil sa isa tayo sa malaking importer ng goods ay nakaka-apekto ang peso-dollar exchange rate sa pagtaas sa presyo ng batayang bilihin.

Kaya naman aniya tinututukan ngayon ng pamahalaan ang food security upang matiyak na may kakayanan ang bansa na mag-produce ng naturang produkto at hindi umasa sa pag-aangkat.