Sumuko sa mga awtoridad nitong Lunes ng gabi, Abril 13, 2026 si Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Makati Regional Trial Court kaugnay ng walong bilang ng cyber libel.
Ayon sa Branch 147 ng korte sa Makati, inutusan ang mga tagapagpatupad ng batas na dakpin si Barzaga at iharap agad sa hukuman. Itinakda ang kanyang piyansa na P48,000 bawat kaso, o may kabuuang P384,000 para sa walong bilang ng reklamo.
Sa inilabas na warrant na pirmado ni Presiding Judge Karla Regina D. Valera-Chua, inatasan din ang mga aarestong pulis na gumamit ng body-worn camera at karagdagang recording device alinsunod sa patakaran ng Korte Suprema.
Nauna nang nasuspinde si Barzaga bilang kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa umano’y hindi maayos na asal sa loob ng kapulungan.
















