-- Advertisements --

Sumangguni na sa National Bureau of Investigation (NBI) si Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla sa sinapit daw niyang “cyberbullying” sa mga nakalipas na araw.

Ito ay matapos na kumalat sa social media ang video ni Remulla na sa kasagsagan ng Lupang Hinirang sa pagdinig ng House committees on legislative franchises at good government and public accountability noong nakaraang linggo ay nakayuko ito at nagsusulat.

Ayon kay Remulla, hindi lamang siya kundi maging iba pang mga kongresista na nakikibahagi sa pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN ay biktima ng cyberbullying.

Iginiit nito na ang pagtalakay nila sa prangkisa ng Lopez-led broadcast company ay kanilang tungkulin bilang mga kongresista sa ilalim ng Saligang Batas.

Naniniwala si Remulla na may ilang indibidwal na nag-eempleyo ng mga trolls para sila ay batikusin sa kasagsagan ng franchise hearing.

Hindi aniya dapat palampasin ito at kailangan na panagutin ang mga nasa likod ng naturang hakbang.

Kasabay nito, umapela si Remulla sa dalawang komite na sulatan ang NBI para silipin naman ang paggamit ng ABS-CBN sa Channel 43 ng AMCARA Broadcasting Network.