Pinamamadali ni Sen. Francis Tolentino sa gobyerno ang pagbili ng rapid nucleic test kits bilang paraan para ma-detect ng maaga ang mga posibleng biktima ng Wuhan coronavirus o kilala ring novel coronavirus (n-cov).

Sa halip na gumastos sa napakamahal na hazardous (hazmat) suits, mas mainam aniyang magkaroon tayo ng gamit para mapabilis ang pagsusuri hanggang 15 minuto.

Lumabas kasi sa Senate hearing na nakadepende lang ang Department of Health (DOH) sa “primer” na dinisenyo ng Japanese experts para sa specific na detection ng 2019 n-cov.

“Kaya po nagtatagal doctor Duque ang RITM kasi wala tayong test kit, am I correct? Kapag mga ganitong sitwasyon, dapat proactive tayo, may available namang mga test kit, bakit hindi tayo bumili?” tanong ni Tolentino kay Duque.

“Kung malalaman agad natin kung sino ang infected ng virus, mas magiging madali na ma-control ito, mas magkakaroon ng kapanatagan ang mga tao,” dagdag pa ng opisyal.

-- Advertisement --

Kamakailan lamang ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P2.25 billion budget para sa DOH na gagamitin sa pambili ng sapat na protective equipment ng mga health care workers.

“Given that you have the necessary budget for the chemical suits what is important is to detect at the ground level, Sino ba talaga and infected sa hindi? Sino ba talaga ang may virus sa wala? We don’t have a test kit?” dagdag na tanong pa nitosa kalihim.

Nangako naman si Duque na ikukonsidera nito ang rekomendasyon ng senador.