-- Advertisements --
Koko Pimentel

Sisikapin ngayon ng Department of Justice (DoJ) na makapagpalabas agad ng resolusyon sa reklamong isinampa kay Sen. Koko Pimentel kaugnay ng paglabag nito sa quarantine protocol.

Una rito, kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na submitted for resolution na ang reklamong isinampa ni Atty. Rico Quicho laban sa senador.

Kasunod na rin ito ng pagsusumite ni Atty. Quicho ng kanyang tugon sa kontra salaysay ng senador at nakapagsumite na rin ng rejoinder si Pimentel.

Una rito noong Abril ay sinampahan si Pimentel ng kaso dahil sa paglabag nito sa self quarantine nang magtungo sa isang ospital kasama ang asawa.

Kinalaunan ay nagpositibo ito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Quicho, nilabag daw ng senador ang RA 11332 at ang implementing rules and regulation ng naturang batas maging ang ilang regulasyon ng Department of Health (DoH).

Naniniwala ang abogado na naging pabaya si Sen. Pimentel nang nagtungo ito sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo sa covid dahilan para malagay sa peligro ang publiko lalo na ang mga health workers ng naturang ospital na umasikaso sa kanilang mag-asawa.

Sa ilalim ng R.A. 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indibidwal na lumabag sa btas mula P20,000 hanggang P50,000.