-- Advertisements --

Posible umanong talakayin nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping ang issue ng nakaraang insidente sa Recto Bank kasabay ng muling pagbisita ng chief executive sa Beijing ngayong buwan.

Ito ang kinumpirma ni Sen. Bong Go sa isang source, matapos ianunsyo ng Malacanang ang nakatakdang pagbisita ng pangulo sa naturang estado.

Ayon kay Go, inaasahan din na manonood ang presidente sa laban ng Gilas Pilipinas sa Foshan City.

Una ng sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang panayam na isinasapinal pa ang trip ng pangulo.

Inamin naman ng opisyal na ilan sa mga inaasahang tatalakayin ng dalawang presidente sa state visit ang trade relations, cultural at people-to-people exchange ng Pilipinas at China.

Kung maaalala, naghain ng magkakahiwalay na diplomatic protest ang gobyerno sa Beijing kamakailan.

Ito’y dahil din sa magkakasunod na issue ng Recto Bank incident, muling pagsulpot ng Chinese vessels sa Pag-asa Island at pagdaan ng warships sa karagatan ng Tawi-Tawi.

Ito na ang ikalimang beses na pagbisita ng pangulo sa Beijing sa loob ng kanyang termino sakaling matuloy ang nasabing state visit.