VIGAN CITY – Blangko pa ang mga otoridad sa motibo at pagkakakilanlan sa suspek na pumatay sa isang recruiter sa Barangay Alangan, Magsingal, Ilocos Sur, kagabi.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ang biktima ay nakilalang si Rogelio Torrena Jacob Jr, 39-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Cabigbigaan, Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nagtamo ng 16 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Maliban pa rito, pinaniniwalaang ginilitan din ang biktima dahil sa malaking sugat na tinamo nito sa leeg.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng mga otoridad nang sa gayon ay makilala kung sino ang suspek sa nasabing pamamaslang at malaman kung ano ang motibo nito.