Lusot na sa New Normal Cluster ng House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang panukalang recovery assistance package para sa guro at estudyante sa bansa na apektado ng COVID-19 pandemic.

Layon ng House Bill No. 6706, na ini-akda ni Baguio City Rep. Mark Go, na tulungan ang mga guro at estudyante sa ipapatupad na “flexible” learning sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sakaling maging ganap na batas, mangangailangan ito ng pondong P38 Billion para sa flexible learning, kung saan  P1.70 billion dito ay para sa higher education institutions habang P502.40 million naman para sa technical-vocational institutions.

Ang naturang mga halaga ay magsisilbong pautang na walang kaakibat na interest para gamitin sa pagbili ng mga laptops, tablets o ibang gadgets na gagamitin sa pagtuturo at pag-aaral.

Layon din ng panukalang ito na matiyak ang pagkakaroon ng “stable connection” pati na rin ang pagbibigay ng “tool” na gagamitin ng mga guro sa kanilang trainings.

TInatayang 300,000 estudyante sa higher education at 30,000 mag-aaral sa tech-voc institutions ang makikinabang sa panukalang ito.