KORONADAL CITY – Gustong makita ng pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, mata sa mata ang magiging reaksyon ng nangungunang akusado sa pinakmadugong krimen sa bansa na si Andal Ampatuan Jr.

Ito ang pahayag ni Emily Lopez, presidente ng Justice Now Movement, na iginiit na kailangan masaksihan ni Ampatuan ang pagpapalabas ng hatol kaugnay sa nasabing kaso upang marinig nito ang nararapat na hustisya para sa 58 mga biktima.

Itinuturing nila na isang hagupit ng paghihiganti para sa mga biktima ng Maguindanao massacre sa oras na ma convict si Ampatuan lalo na ang ilang mga akusado sa krimen.

Umaasa din sila na hindi sila bibiguin ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 lalo na at matibay ang mga ebidensya at testigo na kanilang iprinisenta.

Ayon kay Lopez, handa na sila sa promulgasyon ng kaso bukas kung saan hindi din umano naging madali para sa kanila ang pakikipaglaban sa hustisya dahil sa mga tangkang panunuhol at banta sa buhay na kanilang natatanggap upang iurong ang kaso.

Hindi din umano magtatapos dito ang pagkamit ng hustisya dahil may tinatayang 80 suspek pa ang nananatiling at large.