PNP AMBUSH
PNP ambush

BUTUAN CITY – Nagpapatuloy ang pursuit operations ng pulisya sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur laban sa tumakas na mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos tambangan ang isang team ng mga pulis na sakay sa mobile patrol Biyernes ng umaga.

Naganap ito sa national highway sa Brgy. San Jose, na nagresulta sa pagkakasugat ni Patrolman Camelo Estioco Jr., na natamaan sa kanyang paa at dinala sa isa sa mga ospital nitong lungsod ng Butuan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Prosperidad, Agusan del Sur deputy chief of police Lt. Edgar Marco, na patungo sana sa regional office ng Police Regional Office (PRO) 13 ang mga pulis nang sila’y abangan ng mga rebeldeng nagtago lamang sa mga tanim na falcatta.

Tumagal ng iilang minuto ang engkwentro ng dalawang panig bago tumakas patungo sa gubat bitbit ang mga kasamahan nilang posibleng nasugatan o kaya’y namatay base na rin sa traces ng dugo sa nasabing encounter site.