BACOLOD CITY – Inaalam pa ng mga otoridad kung totoong accidental firing ang ikinamatay ng isang pulis sa Cadiz City, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. Robert Mansueto, hepe ng Cadiz City Police Station, kinilala ang biktima ay Police Staff Sgt. Bernie Sales at assigned sa Sagay City Police Station.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na galing sa inuman ang biktima at pauwi na sana nang mangyari ang insidene sa Corner Arellano Cabahug St., Barangay Zone 4, Cadiz City.

Kasama ng pulis ang kapatid ng kanyang kasintahan na si Beverly Latosa at dalawang kaibigan na kapwa mga lalaki.

Sinasabing nagkasagutan umano ang pulis at ang babae kung saan tinangka ng biktima na ilipat ang kanyang issued firearm sa kabilang bahagi ng kanyang baywang ngunit inakala ni Latosa na siya ay babarilin kaya’t kanyang niyakap at inagaw ang 9mm caliber pistol.

Ayon kay Mansueto, aksidenteng pumutok ang baril at tinamaan ang pulis sa kaliwang dibdib na tumagos sa kanyang kanang balakang.

Dinala pa ang pulis sa pagamutan ngunit binawian ng buhay makalipas ang ilang oras.

Ayon sa hepe, kakasuhan ang babae kung mapapatunayan na kanyang binaril ang pulis.