DAVAO CITY – Nag-aagaw buhay ang isang pulis na kasapi ng Mobile Group ng Davao City Police Office (DCPO) matapos aksidenteng mabaril ang sarili.

Nakilala ang biktima na isang Patrolman Lloyd Legue, 25-anyos na residente ng Saavedra St., Toril at pansamantalang naninirahan sa Purok 6, Barangay 37-C, Davao City.

Kaagad na dinala sa Davao Doctors Hospital pasado alas-12:00 kaninang hantinggabi matapos na aksidenteng pumotok ang kanyang armas at tumama sa kanang bahagi ng kanyang ulo.

Napag-alaman na tinawagan si Legue ng kanyang live-in partner dahil masakit daw ang tiyan nito.

Kaagad namang umuwi ang pulis ngunit nang tanggalin ang armas nito na 9MM at inilagay sa cabinet, bigla na lamang ito pumutok.

Isinakay sa ambulansya ng Recue 911 ang biktima at patuloy na inoobserbahan sa intensive care unit ng nasabing ospital.

Narekober sa crime scene ang itim na 9MM, isang magazine na may anim na bala, at deformed slugs.