CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang policewoman habang nasugatan ang limang kasama matapos na maaksidente ang sinasakyan nilang police car ng City Mobile Force Company (CMFC) habang binabagtas nila ang national highway sa Sinsayon, Santiago City patungong Cordon, Isabela.

Ang CMFC na nakabase sa Santiago ang kauna-unahang All-women Mobile Force Company sa Region 2.

Bumangga ang sasakyan ng mga pulis dakong alas-4:20pm nitong Sabado sa kongkretong bakod sa harapan ng Villa Ceferina Subdivision sa Sinsayon, Santiago City matapos na mawalan ito ng kontrol nang pumutok ang kaliwang gulong sa harap nito.

Ang Toyota Hilux na police car ng CMFC ay minaneho ni PCpl. Berna Austria at sakay sina Pat. Archelle Duldulao, Pat. Pauline Carlos, PCpl. Kacelyn Tarayao at Pat. Riza Mae Laureta.

Nang mawalan ng kontrol ang police car ay umagaw ng linya at nahagip ang isang Brown Isuzu MUX na minaneho ni Liza Santos Pua ng Callao Alicia na patungong centro ng Santiago City.

-- Advertisement --

Ito ay sinusundan ng nahagip ding itim na Honda TMX 155 Tricycle na minaneho ni John Ednard Realin Molina, residente ng Turod Sur, Cordon, Isabela at ng black Honda single motorcycle na minaneho ni Ivan Ray Catolico Sal ng Turod Sur, Cordon Isabela at angkas si Aubrey Viundo Labog ng Laurel Centro Norte, Cordon Isabela.

Nasawi si Duldulao matapos na masagasaan nang mahulog sa police car habang isinugod sa ospital ang mga nasugatang sakay ng police car at tricycle driver.