Iniimbestigahan na ng PNP ang motibo sa nangyaring pamamaril ng isang pulis sa isang kasalan sa Brgy. Citrus, San Jose Del Monte, Bulacan.

Sinabi ni P/SSgt. Michael Coronel ng SJDM Police, ginambala ng suspek na si Patrolman Jessie Gubat ang isang wedding reception ilang kanto ang layo mula sa kanyang bahay.

Hinanap ni Gubat ang kapatid ng babaeng ikinasal na si Cleevan Rosal na nakikisaya noon sa okasyon.

Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa at bumunot ng baril ang pulis kung saan tinamaan sa binti ang lalaking kinasal na nakilalang si alyas “Reggie.”

Nagawang makatakas ni Gubat ngunit nasundan ito ni Rosal sa kanyang bahay at dito na pinagbabaril ng pulis ang biktima.

Dead-on-the spot sa pamamaril ng pulis si Rosal.

Nagtamo rin umano ng tama ng baril ang suspek at inaalam pa kung paano niya ito nakuha dahil wala umanong armas si Rosal.

Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang pulis at ang groom na una nitong nabaril.