ROXAS CITY – Pinasok at ninakawan ang boarding house ng isang police officer sa bayan ng Pontevedra, Capiz.

Tinangay ng hindi pa nakikilalang suspek ang .9mm service firearm at magazine, cash na P10,000 at laptop ni P/Lt. Roque Gimeno ng Molo, Iloilo, na-assign ngayon sa Pontevedra PNP.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Pontevedra Municipal Police Station na hindi naramdaman ng nasabing pulis ang pagpasok sa kanyang silid dahil mahimbing ang kanyang tulog.

Nagulat na lamang ito sa kanyang paggising na kumalat na ang kanyang gamit at sa pag-aayos nito nalaman na nawawala na ang kanyang service firearm, cash na P10,000 at laptop.

Dumaan ang magnanakaw sa katabing kuwarto ni Gimeno na walang tao.

Samantala, napag-alamang hindi ang kuwarto ng pulis ang target ng magnanakaw kundi ang tindahan ng landlady ni Gimeno.

Ngunit nahirapan silang buksan ito kaya napagbalingan nila ang silid ni Gimeno na himbing na himbing sa kanyang pagkakatulog at hindi naramdaman ang pagpasok at pagnanakaw ng suspek.