CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang pulis na namaril sa dating mambabatas sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Staff Sergeant Sherwin Berganio na nakatalaga sa PNP-12 Regional Mobile Force Battalion.

Ayon sa ulat ng Tacurong City PNP na pababa si Dating Maguindanao Board Member Nasser Ali Angas Sr sa kanyang sasakyan sa harap ng kanyang tahanan sa Brgy New Isabela Tacurong City nang bigla itong pinagbabaril ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre.45 na pistola.

Ngunit mabilis na nakaganti sa mga suspek ang close-in escort ni Angas na si Corporal Jaypee Santiago ng 40th Infantry Battalion Philippine Army.

Tinamaan ang angkas ng motorsiklo na si S/Sgt Berganio at nakatakas ang kanyang kasama na siyang nagmamaneho.

Naisugod pa si Berganio sa Pagamutan ngunit binawian rin siya ng buhay nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan habang sugatan naman si Angas at Cpl Santiago ngunit nasa ligtas ng kalagayan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Tacurong City PNP sa naturang pangyayari.