SUV

Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Debold Sibas ang pagsibak sa puwesto sa police official na nahuling minamaneho ang isang carnapped vehicle.

Nitong Biyernes ng umaga nang inaresto ng mga tauhan ng PNP-HPG (Philippine National Police-Highway Patrol Group) ang pulis na si Master Sgt. Danilo R Pacurib, 47-anyos.

Kasalukuyang nakatalaga ang hinuling pulis sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ng NCRPO, gayundin sa Payatas Bagong Silangan, Police Station 13 ng Quezon City Police District bilang Station Drug Enforcement Unit operative.

Batay sa imbestigasyon, patungo na sa kaniyang trabaho si Pacurib nang masabat ng mga tauhan ng HPG na minamaneho ang isang “hotcar” na black Hyundai Sta Fe na improvised ang plaka.

Si Pacurib ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 (New Anti Carnapping Law) at Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Law).

Nakatakda pang isailalim sa inquest proceedings ang pulis na agad namang dinisarmahan at isinailalim sa drug test.

Hinahanda na rin ang pre-charge investigation and summary hearing procedure laban kay Pacurib at inaalam kung sinu-sino pa ang mga kasabwat nito.

Muli namang binalaan ni Sinas ang lahat ng mga tauhan ng NCRPO na gumagamit ng mga “recovered carnapped” vehicles para sa kanilang personal, na mananagot ang mga ito at sasampahan ng kaukulang kaso.