Arestado ang isang pulis matapos umanong magpaputok ng baril sa loob mismo ng tinutuluyang apartment sa Sampaloc, Maynila, Sabado ng gabi.

Kaagad na sinugod ng mga otoridad ang tinitirhang apartment ng pulis matapos isumbong ng mga residente na nakarinig sila ng putok ng baril.

Dinatnan ng mga pulis na nakahiga sa sahig ang walang malay na si Master Sgt. Winefer Molina ng Quezon City Police District station 2.

Nakita rin ang kaniyang baril at isang basyo ng bala sa sahig.

Iniimbestigahan na ngayon kung bakit nagpaputok ang suspek na pulis.

Kakasuhan siya ng alarm and scandal dahil sa illegal discharge of firearm.