ILOILO CITY – Patuloy na ginagamot sa ospital ang isang pulis at pamilya nito matapos mabangga ng cement mixer truck ang sinakyan nilang kotse sa Brgy. Anilao, Pavia, Iloilo.

Ang driver ng kotse ay si PSSgt. Jonathan Mansueto, nakadestino sa Traffic Investigation and Enforcement Unit ng Iloilo City Police Office at residente ng Ingore La Paz, Iloilo City.

-- Advertisement --

Habang ang driver naman ng transit mixer ay si John Alfred Boliboli, residente ng Mali-ao, Pavia.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PSSgt. Luther Maderse, traffic investigator ng Pavia Municipal Police Station, sinabi nito na mula sa Pavia papunta sa Iloilo City ang sasakyan na minanamaneho ng pulis nang mangyari ang aksidente.

Samantala nagmula naman sa Iloilo City ang transit truck at papunta sa Pavia.

Ayon kay Maderse, mabilis umano ang takbo ng truck nang bigla itong pumreno dahilan kung bakit umikot ang likurang bahagi ng mixer truck at tinamaan ang nakasalubong na kotse.