-- Advertisements --

Isinusulong ni House Assistant Minority Leader France Castro na mabigyan ng Special Hardship Allowance ang mga guro sa pampublikong paaralan.

Inihain ni Castro ang House Bill 7126 para mabigyan ng allowance ang mga gurong nakadestino sa mga mahirap puntahan at peligrosong lugar, pati na rin iyong mga nasa ilalim ng state of calamity at may health hazards tulad ng COVID-19.

Ang Department of Health ang magtatakda ng mga health hazards bilang qualification sa pag-avail ng naturang allowance.

Ayon kay Castro, napapanahon ang panukalang ito lalo pa at itinutulak ng Department of Education na gawing blended ang learning system sa darating na pasukan sa kabila ng bantang hatid ng pandemya.

“Institutionalizing the Special Hardship Allowance compensates teachers for their hard work and sacrifices especially now amid the pandemic and the blended learning modes of the Department of Education where teachers are tasked to delivery the self-learning modules to the houses of their students,” ani Castro.

Iginiit ng kongresista na may ligal na basehan ang pagbibigay ng Special Hardship Allowance base na rin sa Magna Carta for Public School Teachers.

Sa ngayon kasi, binawasan ng Department of Budget and Management ang pagbibigay ng naturang allowance para sa mga guro sa pampublikong paaralan.