cabinet meeting palace

Posibleng sampahan ng kaso ng Presidential Security Group si ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap matapos magtungo sa Malacañang nitong Sabado kahit siya’y person under investigation (PUI) sa coronavirus 2019 COVID-19.

Sinabi ni PSG Commander Jesus Durante III, mahigit 20 kawani ng Palasyo ang kasalukuyan nang naka-quarantine matapos ang deklarasyon ni Cong. Yap na positibo siya sa sakit.

Kabilang din sa mga naka-quarantine na ngayon sina Budget Sec. Wendel Avisado, Social Welfare and Development Sec. Rolando Bautista, Interior Sec. Eduardo Año at Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Carlito Galvez Jr. matapos makahalubilo rin ni Cong. Yap.

Samantala, maging si Cabinet Secretary at IATF spokesman Karlo Nograles ay naka-self-quarantine na rin kahit wala naman siyang rektang nakasalamuhang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Sec. Nograles, nasa second generation ang kanyang category kung saan pwedeng hindi siya mag-self-quarantine pero minabuti niyang magsimula na ring mag-work-from-home (WFH).

Binigyang-diin naman ni Sec. Nograles na tuloy-tuloy pa rin ang trabaho ng IATF pero magiging tele-conferencing na ang kanilang set-up.