Itinutulak ngayon sa Senado ang isang P335-billion expanded stimulus package para gamitin sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa dagok na dulot ng COVID-19 pandemic.
Inihain ni Sen. Manny Pacquiao ang kanyang Senate Bill No. 2123 o ang proposed Expanded Stimulus Package Act of 2021, na naglalayong mag-augment ng pondo na nakapaloob sa dalawang Bayanihan laws na ipinasa ng Kongreso noong nakaraang taon.
Iginiit ni Pacquiao sa explanatory note ng kanyang panukala na sa ngayon ay walang “single cohesive action plan” para tugunan ang mga epekto ng COVID-19 pandemic sa buhay ng mamamayang Pilipino.
Ayon kay Pacquiao, layon ng kanyang panukalang batas na punuan ang butas sa kasalukuyang sistema pati na rin sa mga polisiya habang papanatilihin naman ang transparency measures na kasalukuyang sinusunod na rin ng mga ahensya ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, P100 billion sa P355 billion na proposed funding ang gagamitin o ilalaan para sa amlioration ng mga “low-income individuals, households, at homeless.”
Bukod dito, P100 billion ang alokasyon para sa subsidiya ng mga manggagawang apektado ng pandemya; P100 billion para sa capacity building ng mga critically-impacted sectors; P30 billion bilang tulong sa mga nawalan ng trabaho; P3 billion para sa internet allowance ng mga K-12 teachers at mga estudyante; at P2 billion naman para sa internet allowance ng mga tertiary-level teachers at mga estudyante.