Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang ulat hinggil sa kanila umanong endorsement sa ilang laboratoryo na humahawak ng confirmatory na RT-PCR (swab) test sa COVID-19.
“The Department of Health is not endorsing any specific laboratories and does not support any promotional advertisements on RT-PCR tests that may lead to indiscriminate testing,” sa isang online post.
Makikita sa advisory ng ahensya ang post ng isang Safeguard DNA Diagnostics, Inc. na gumamit ng logo ng DOH sa alok nitong COVID-19 testing package.
Ayon sa ahensya, mahigpit na ipinagbabawal ang ano mang unofficial at hindi na-coordinate na paggamit ng logo ng Health department.
“Unofficial and uncoordinated use of the DOH logo is strictly prohibited.”
Pinaalalahanan ng kagawaran ang publiko na mayroong listahan ng lisensyadong RT-PCR testing laboratories na makikita sa Beat COVID-19 situationer na araw-araw nilang inilalabas.
Sa huling tala ng DOH, may 74 nang lisensyadong laboratoryo sa bansa para sa testing ng COVID-19.