MANILA – Nakatakdang umorder ng panibagong doses ng COVID-19 vaccine mula sa British-Swedish company na AstraZeneca ang private sector.

Ayon sa business tycoon na si Enrique Razon, nakikipag-ugnayan na sa pamahalaan; at GoNegosyo, ang kanyang kompanya na International Container Terminal Services Inc. (ICTSI), kasama ang 30 iba pang private companies para makabili muli ng bakuna.

Sa ilalim ng panibagong tripartite agreement, target ng nabuong consortium ng private companies na bumili ng 3-million doses ng AstraZeneca vaccine.

Ito ang magiging kauna-unahang 3-million dose ng bakuna ng nasabing kompanya mula sa pribadong sektor.

Nakatakda raw ipamahagi sa health workers at economic fronline personnel ang bibilhing bakuna.

-- Advertisement --

Nangako rin umano ang kompanya ng negosyante na ibibigay sa national government ang kalahati ng 300,000 doses na kanilang unang binili.

Unang lumagda ng tripartite agreement ang private sector at pamahalaan sa AstraZeneca noong Disyembre para sa 2.5-million doses ng bakuna.

Nasundan pa ito ng isang kasunduan noong nakaraang buwan para naman sa 17-million doses ng bakuna, kung saan kasali ang ilang local government units.

Bukod sa bakuna ng AstraZeneca, sinabi ni Razon na may binubuo na ring negosasyon ang ICTSI sa private sector para makabili rin ng COVID-19 vaccine ng Moderna.

“Negotiations are ongoing and extremely advanced, and it is the combined group’s desire to secure these vaccines at the best possible price in the shortest amount of time. ICTSI has formally committed to manage and fund the entire international logistics effort for the Moderna order,” ani Razon.