ILOILO CITY – Kaagad namatay ang isang school principal at asawa nitong guro matapos nasagasaan ng sports car sa Diversion Road, Mandurriao, Iloilo City.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Joe Marie Osano na principal ng La Paz II Elementary School at asawa nito na si Alnie Dinah Osano na nagtuturo sa Ticud Elementary School sa nasabing lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo sa ilang testigo, tumatawid sa pedestrian lane ang mga biktima nang biglang nabundol ng humaharurot na sports car na minamaneho ng isang June Paul Valencia, 30-anyos na nakabase sa Estados Unidos.

Ayon sa testigo, dahil sa bilis ng takbo ng sasakyan ay tumilapon paibabaw ng ilang metro ang babaeng biktima samantalang nagkapunit-punit naman ang damit ng lalaki.

Sumuko naman sa mga otoridad si Valencia na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.