-- Advertisements --
bigas palengke rice

Tatanggalin lamang ang pinaiiral na limitasyon sa presyo o price cap sa dalawang klase ng bigas sa bansa sa oras na mag-stabilize na ang presyo sa merkado.

Ito ang inihayag ni DA-Bureau of Plant Industry Glenn Panganiban.

Aniya, kapag nakitaan ng pagbabago o mag-stabilize na sa nararapat na presyo sa bigas, maaari na aniyang magrekomenda ang DA at DTI para sa pagtanggal ng Executive order na ibinaba ni PBBM na nagmamandato sa price ceiling sa regular at well-milled rice.

Sa ngayon, regular nilang minomonitor ang presyo ng bigas upang makagawa ng kaukulang rekomendasyon.

Tutulong din ang Department of Trade and Industry at Department of the Interior and Local Government sa pagmonitor sa presyo ng bigas at tuluy-tuloy din ang pagsasagawa ng dayalogo sa mga apektadong retailers at traders upang mapigilan ang pagpapakalat ng mga spekulasyon.

Matatandaan na epektibo na kahapon, Setyembre 5 ang price cap sa bigas na ayon kay PBBM ay tutugon sa nakakalarmang pagtaas ng retail price ng bigas na iniuugnay nito sa rice smuggling at hoarding.