Reading Time: 1 minute

Kinalampag ng Amnesty International ang International Criminal Court (ICC) para bilisan ang preliminary examination laban sa giyera kontra iligal na droga ng pamahalaan, na kanilang isinisisi sa pagkamatay ng ilang libong drug suspects.

Kasunod ng kanilang report noong 2017, nagsagawa muli ng research ang Amnesty International sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Nitong Abril lang, nagsagawa ng pag-aaral ang Amnesty International sa Bulacan na kung tawagin nila ay pinakamadugong killing field.

Inimbestigahan ng advocacy group ang 20 insidente at nag-interview sa 58 indibidwal kabilang na ang mga witnesses, pamilya ng mga biktima at local officials para sa kanilang pag-aaral.

Noong Abril lang din ay sinabi ng ICC na sinimulan na nila ang preliminary examination sa reklamo hinggil sa umano crimes against humanity na inihain ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa madugong kampanya nito kontra iligal na droga.

Bago ito, naghain din ng reklamo si Atty. Jude Sabio laban kay Pangulong Dutrete sa ICC noon namang Abril 2017.

Nagsimula naman ang preliminary examination sa reklamo ni Sabio noong Pebrero 2018.