-- Advertisements --

Nanawagan si Speaker Martin Romualdez na mas paramihin pa ang mga proyekto sa ilalim ng public-private partnership na siyang susi sa modernisasyon ng mga imprastraktura sa bansa at magbibigay ng mas maayos na buhay para sa mga Pilipino.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang panawagan sa pagpapasinaya ng ikatlong Candaba Viaduct project na ginanap sa Brgy. Dulong Malabon sa Pulilan, Bulacan.

Target makumpleto ang nasabing proyekto sa November 2024 na malaking tulong sa pagpapabilis ng biyahe patungo at palabas ng norte.

Ang kasalukuyang 40 hanggang 60 kilometro kada oras na biyahe sa NLEx ay inaasahang aakyat sa 60 hanggang 80 kilometro kada oras.

Pinasalamatan rin ni Speaker Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagsuporta nito sa iba’t ibang imprastraktura sa bansa.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng strategic expressway link na nag-uugnay ng Metro Manila at Central at North Luzon corridor sa mabilis na pagbiyahe ng publiko, kalakal, at serbisyo.

Ang bagong proyekto ay hindi lamang umano makapagpapahusay ng transportation network kundi makatutulong din sa pangkabuuang socio-economic development ng rehiyon dahil sa dala nitong dagdag trabaho, investment at economic growth.