Kumamada ng 20 points si Norman Powell, na dinagdagan ni Serge Ibaka ng 16 upang makatulong sa 112-103 panalo ng Toronto Raptors kontra sa bisitang Chicago Bulls.

Ito na ang ikawalong sunod na pagkakataon na nagapi ng Raptors ang Chicago.

Tumulong din sina Kawhi Leonard at Kyle Lowry na pumoste ng tig-14 points bago magpahinga sa fourth quarter.

Hindi kailanman naghabol ang Raptors sa laro, at nakaiwas din mula sa una sana nilang three-game home losing streak ng season.

Sumandal naman ang Bulls kina Wayne Selden na pumoste ng 20 points, at si Shaquille Harrison na humugot ng 15.

Hawak ng Toronto ang 56-41 abanse sa halftime, at kinuha ang 85-72 lamang sa pagpasok ng huling yugto.