-- Advertisements --

Nagbabala si dating Senate President Franklin Drilon na ang anumang pagtatangkang itago ang ebidensiya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay maaaring magdulot ng matinding galit ng publiko at magbunsod ng political instability sa bansa.

Sa isang pahayag, binalikan ni Drilon ang impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001, kung saan bumoto ang mga senator-judge ng 11-10 laban sa pagbubukas ng tinaguriang “ikalawang sobre” na umano’y naglalaman ng mahahalagang ebidensiya kaugnay ng kanyang lihim na bank account.

Ayon kay Drilon, ang desisyong iyon ay nagdulot ng malawakang protesta, nagpasiklab sa EDSA Dos, at humantong sa pagpapatalsik kay Estrada sa puwesto.

Sinabi niyang maaaring maulit ang matinding reaksiyon ng publiko kung magkakaroon ng pagtatangkang itago ang katotohanan sa impeachment trial ng Bise Presidente.

Dagdag niya, sa panahon ng social media, mas mabilis nang nalalaman ng publiko ang mga pangyayari kaya dapat maging maingat ang mga senador at tiyaking magiging bukas at patas ang proseso ng paglilitis.