Binigyang-diin ni Derek Ramsay na walang third party sa kumpirmadong paghihiwalay nila ng kapwa artistang si Andrea Torres.

Ito’y matapos madawit ang pangalan ng “Concert Queen” na si Pops Fernandez sa pagtatapos ng mahigit isang taon pa lamang na pagiging magkasintahan nina Derek at Andrea.

Nabatid na sa kabila ng pagkumpirma ng 43-year-old actor sa panibagong breakup, inuulan pa rin siya ng mga negatibong komento gaya ng “MISIS Pops Fernandez wins.”

Bakas naman ang pagkadismaya ni Ramsay sa pagsasabing lahat na lang daw ay nilalagyan ng malisya.

Wala pa namang pahayag dito ang 53-year-old veteran singer, gayundin ang 30-year-old actress.

Una nang inihayag ni Ramsay na napakabilis ng mga pangyayari sa kanilang breakup at marahil ay hindi lang sila para sa isa’t isa.

Sinasabing matagal nang magkakila sina Derek at Pops kung saan nagkasama pa sila bilang host sa isang virtual press conference ng Department of Environment and Natural Resources.