Apruabdo na raw sa executive committee ng Department of Health (DOH) ang panukalang “pooled testing” para sa mas tipid na paggamit ng confirmatory RT-PCR tests.
“Ang konsepto ay napagusapan at naaprubahan na sa executive committee ng DOH at na-note na rin ang suggestion dito sa ating Inter-Agency Task Force,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Kasalukuyan daw na isinasailalim sa pilot study ng Philippine Society of Pathologists ang panukala.
Layunin daw na makakuha ng proof of concept sa magiging resulta ng pag-aaral bago tuluyang ipatupad.
Sa ilalim ng pooled testing, pagsasama-samahin ang makukuhang specimen mula sa target population.
Kung may magpo-positibo mula sa mga tinest na samples ay tsaka lang ire-rekomenda ang indibidwal na pinagkuhanan ng naturang positive sample para sa hiwalay na confirmatory test.
Ang panukalang ito ay pumasa na sa ikatlong pagbasa ng Kamara, sa ilalim ng inihaing bill ni dating DOH secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin.
Una nang sinabi ng DOH na hahanapan nila mula sa listahan ng lisensyadong laboratoryo kung alin sa mga ito ang pwedeng masagawa ng pooled testing.