Tiniyak ni Comelec Exec. Dir. Jose Tolentino na nananatiling ligtas para sa mga botante ang lahat ng gagamiting polling centers.

Ayon kay Tolentino, nagpa-inspeksyon sila matapos ang nangyaring pagyanig, ngunit wala namang natukoy na pinsala sa mga gusaling nakalaan para sa halalan.

Gayunman, muli umano nila itong patitingnan bago ang election day para matiyak ang kaligtasan ng mga botante.

Maliban dito, nabigyan na rin ng nauukol na direktiba ang mga tauhan ng poll body para magabayan ang mga gurong aakto bilang miyembro ng Board of Election Inspectors (BEIs), kung sakaling may maitatalang kalamidad sa Mayo 13, 2019.