VIGAN CITY – Hindi pa rin umano natitinag ang kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos kahit mayroon nang lumabas na resulta ng recount sa tatlong pilot provinces na siya mismo ang pumili, partikular na ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Mababatid na sa resulta ng isinagawang recount sa mga nasabing lalawigan na ipinalabas ng Presidential Electoral Tribunal, lumabas na lamang ng 15,000 votes si Robredo laban kay Marcos.

Ngunit sinabi sa Bombo Radyo Vigan ng tagapagsalita ng dating senador na si Atty. Vic Rodriguez, na mayroon pang natitirang lalawigan na kasama sa kanilang inihaing protesta kaya tuloy na tuloy pa rin ito.

Ayon sa abogado, mahigit 20 pang lalawigan na sakop ng kanilang inihaing election protest at hindi sila titigil hangga’t hindi lumabas ang katotohanan at hangga’t hindi napapanagot ang mga nagkasala.

Muling binigyang-diin ng kampo ng dating senador na ang pagtutulak nila sa protesta ay hindi para sa pansariling interes ni Marcos, bagkus ay ay para sa interes din ng sambayanang Pilipino.