Pinasisilip ni Vice Pres. Leni Robredo sa pamahalaan ang mga polisiya sa pagpasok ng foreign workers na nagta-trabaho sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hubs.

Ito’y kasunod ng pag-amin ng Chinese Embassy kamakailan na iligal ang employment ng Chinese workers sa mga gaming hubs sa bansa.

Ayon kay Robredo, dapat bigyang pansin ng gobyerno ang mga panuntunan nito sa pagpasok at pagtanggap ng mga foreign workers lalo na ang mga galing sa China.

Inamin kasi ng Chinese Embassy kamakailan na iligal sa kanilang bansa ang ano mang uri ng pagsusugal.

“Tingin ko kailangan talagang balikan iyong polisiya, tingnan iyong mga nandito, ano iyong ginagawa nila, ligal ba iyong pag-stay nila nang matagal,” ani Robredo.

“Bakit sila pinapayagan? Tapos iligal sa kanila kaya pumupunta dito. Kung iligal sa kanila, bakit tayo iyong nagha-house?”

Una ng nangako ang Malacanang na hindi nito hahayaang madawit sa iligal na gawain ang mga dayuhan na nasa Pilipinas.

Pinatutugis na rin ng palasyo sa mga otoridad ang sinasabing illegal recruiters ng POGO hubs.